April 18, 2010

Lucille

Sa aking paglalakad ika'y nakita
Marilag mong tindig ay aking napuna
'Di yata't ikaw ay isang engkantada
'Pagkat sa unang tingin ika'y aking sininta

Ninais kong ika'y maging akin
Ang iyong kurbada'y ibig kong himasin
Daliri ko'y nangangati na ika'y salingin
At sa aking mga bisig ika'y yayapusin

Sumapit ang gabi, paligid ay nabalot ng dilim
Heto, ang aking puso, sa iyo'y nanininimdim
Sa Diyos nananalangin nang mataimtim
Sana bukas ika'y naroon pa rin

Pagnanasa ko'y naibsan kinaumagahan
Nang makita kang muli sa tindahan
Kariktan mo'y muli kong nasilayan
Sa pagkahibang 'di ako matauhan

Tuwa at galak ay ramdam
Nang ilang oras ika'y nahiram
Ngunit pinsgi ko ay nahilam
Nang matuklasang ito'y kulang

Alindog mo'y nakabibighani
Sa isipan ko'y 'di ka mapawi
Lalong-lalo na ang iyong landi
Sa tuwing ika'y aking sakbibi


Ikaw na nagdudulot sa aking ng ligaya
Iibigin kita sa bundok man o sa aplaya
Sa kandungan ko matatagpuan mo ang saya
Pag-iipunan kita, aking gitara

No comments: